BAWAT SALITA, LINYA AT TALATA. 

Hindi ko alam kung anong nagtulak sa’kin para muling balikan ang liham na matagal ko nang naipadala. Kasabay ng pagbasa ay ang pagbabalik ng mga alaalang tila humihiwa pa rin sa mga sugat na sariwa pa sa aking isip at dibdib. Humihiling na ang bawat alaalang nalimot na ay maulit pa kahit isang beses na lang ulit.
Palagi kong sinasabi sa bawat salita ng bawat liham kung gaano ka kahalaga, kung bakit ka mahalaga, kung bakit kamahal-mahal ka, kung bakit masaya akong kasama ka, kung bakit ayokong makaramdam ka ng pag-iisa, kung paanong kahit ‘yung mga pagkukulang at pagkakamali mo ay kaya kong tanggapin. 

Palagi kong sinasabi sa bawat linya ng bawat liham kung paanong paulit-ulit akong nagpapasalamat sa May Likha sa tuwing naaalala kita, sa tuwing nakikita kitang masaya, sa tuwing kasama ka. Paulit-ulit akong nagpapasalamat sa Kanya sa tuwing naaalala kong Siya nga pala ang dahilan kung bakit naging kaibigan kita, kung bakit noong gabing kinailangan mo ng kausap ako ang ibinigay Niya at sa tuwing naaalala kong ikaw rin ang sagot sa kaibigang kay tagal kong inilapit sa panalangin sa Kanya.
Palagi kong nasasambit sa mga isinulat kong talata ng bawat liham kung gaano ko kagustong magsimula ulit tayo sa simula para hindi na lang ‘to matapos, para hindi na lang unti-unting mabura lahat ng masasayang alaala ng pagsasama, para hindi tuluyang mawala ang ingay ng ‘yong tawa at kwento dito sa isip ko. Sariwa pa. 

Palagi kong nasasambit sa bawat talata kung gaano ko kagustong maulit muli kahit ‘yong mga paborito ko na lang na mga alaala na nabuo kasama ka, kung gaano ko kagustong makabasa ulit o makarinig ng mga kwento mo, ng mga hinanakit mo sa mundo, o kahit noong mga simpleng reklamo mong na-late ka na naman, o hindi na naman ako nag-reply. Palagi kong nasasambit sa bawat talata ng mga sulat ko sa’yo kung gaano ako kasayang palagi kang nandiyan para manggulo, para alamin kung okay lang ba ‘ko, kung gaano ako kasayang palagi kang nandiyan para magpatawa sa tuwing nalulungkot ako kahit na waley naman talaga ang mga hirit mo, kung gaano ako kasayang nakakayanan mong pagpasensyahan ang bawat mood swings at pagkakamali ko.

Palagi kong nasasambit sa bawat sulat ko kung gaano ako kasayang nakilala kita at nakilala mo ako, kung gaano ako katakot na magising na lang isang araw na parang hindi na tayo magkakilala, kung gaano ako katakot na dumating ‘tong araw na ‘to na bigla mo ‘kong makalimutan, na ang dating mensahe kong palagi mong inaabangan ay maiwanang hindi nabubuksan. Nasa bawat sulat ko nakasaad kung gaano ako katakot sa mga ngiti at usapang wala ng laman, kung gaano ako katakot na ‘yung dating masasayang usapan at samahan ay maging nakakabagot para sa’yo, kung gaano ako katakot na bigla na lang malampasan ng mga tanaw mong dati ako ang hinahanap. Nasa mga sulat ko nakasaad kung gaano ako katakot na bigla mo na lang maiwanan.

Nasa lahat ng mahahaba at maiikling liham at ngiti ko nakasaad ang hiling na sana pwede pang dugtungan ang kabanata kung saan tayo naging pinakamasayang dalawa para makasama lang kita kahit sa isang saglit pa. Nasa bawat salita, linya at talata ng mga liham ko ang hiling na sana ikaw na talaga ‘yung sagot sa hiniling ko sa May Likha at hindi ko lang ito gawa-gawa, na sana hindi ka mapagod sa ugali kong pabago-bago, na sana hindi ka mawala na parang bula at tuluyang maglaho. Nasa bawat salita, linya at talata ng liham ko nakasaad kung gaano ako kasaya at katakot, maging ang bawat kong hiling na patungkol sa’yo pero ngayon hinihiling kong basahin mo ang mga espasyong nagdurugtong sa bawat salita, linya at talata ng mga liham ko, at doon mo mababasa kung bakit ako masaya, kung bakit ako takot, at kung bakit ako patuloy na humihiling na ‘wag kang mawala. Nasa bawat espasyong nagdurugtong ng bawat salita, ng bawat linya at talata ng mga liham ko para sa’yo ang lihim na dahilan kung bakit ako masaya, kung bakit ako takot at kung bakit ako patuloy na humiling na ‘wag kang mawala. Sa bawat salita ko nasabing masaya ako nang dahil sa’yo, sa bawat linya ko nasabi ang lahat ng takot ko, nasa bawat talata ko nasabi ang bawat hiling ko pero nasa bawat espasyong nagdurugtong sa mga ito ko nasabing…
…mahal kita. 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s